September 12, 2012

Nasaan na Kaya si Ara Joyce?

Nakilala ko si Ara Joyce two years ago sa pinasukan kong college (na hindi ko itinagal) two years ago na din. Sa gate ng school nun una kaming nagkita. Ni hindi ko nga alam kung naalala kaya ako nun? Baka nga dalawang araw palang pagkatapos nung pangyayaring yun, hindi na niya naalala yun. Yung araw na una kaming nagkita.. (naks!)

Actually nagawan ko siya ng blogpost sa luma kong blog site na Kalamayin ang Iyong Sarili (Poorman's View) lampas two years ago na. Ewan ba, nakakaantig lang kasi. Nakakapangmuni-muni ng buhay. I-post ko na nga lang din para maintindihan nyo baga:


Pinangiti Ako ni Ara Joyce. :) 
09012010
Tapos na yung klase nun. Pauwi nako. Tinatamad na kasi akong libutin yung campus. Tsaka parang uulan na. Tapos ayun na nga, nakalabas nako ng gate. Nakasanayan ko na noon na maglalakad-lakad muna ako palayo sa school bago sumakay para dirediretso yung byahe. Kaso may pumigil sakin..
Nakita ko muna nun yung bag niyang nakasalansan. Nagtaka ako, akala ko nung una e baka laruan lang ng mga palaboy-laboy dun. Nung lumingon ako, may nakita akong batang naka-uniform. Babae. Elementary. Nakaupo siya sa bangkito. Nagtaka ako kung bakit may bata dito. Nakita ko uli yung bag. Tapos lumingon uli ako sa bata.

Ako: bag mo? (tinuro ko yung bag)
Bata: (marahang tango)
Ako: e bakit nandito? (kinuha ko yung bag) dapat dito mo yan nilalagay (tinabi ko sa bangkito)
(katahimikan)
Sa isip ko, nahihiya pa ako nung kausapin yung bata. Nasa tabi kasi siya ng gate. Ang daming lumalabas na estudyante. Tapos may mga manong pa dun. Baka pag-isipan ako ng kung ano. Kaso di ko mapigilan. Tumiyempo ako..
Ako: bakit ka nandito? sinong kasama mo?
Bata: (bahagyang tumuro sa loob ng gate)
Habang naghahanap ako ng tiyempo, tinitingnan ko yung bata. Ewan ko lang pero pag nakita mo siya, mahahalata mo talagang kagagaling lang ng school, haggard baga. Pero nakakatuwa siya. Tahimik lang siya, habang binabali-bali yung hawak niyang headband..
Ako: ano'ng grade mo na ba?
Bata: (mahina) grade 1 po.
(katahimikan ulit)
Ako: marunong ka na bang magbilang? magsulat?
Bata: (mahina pa rin) opo
Ako: ahh. (ngiti) mag-aral kang mabuti ha?
Bata: (mahina, as usual) opo.
Ako: para maging katulad ka namin. (ngiti uli)
Bata: (walang reaksyon pero nakatingin sa akin)

Napangiti uli ako, kahit wala siyang sinabi. Di ko alam pero parang ginanahan pa akong kausapin yung bata. Hindi ko nun na-gets kung sino nga ba yung kasama niya talaga. Nakakapagtataka kasi. Tinanong ko ulit..

Ako: (lumapit ako sa mukha niya para marinig ako) sino nga ba ulit yung kasama mo dito?
Bata: (wala siyang sinabi, pero tinuro niya yung manong sa di kalayuan)

Naintindihan ko na nun. Siguro tatay niya yata yung manong na nagba-barker sa mga pumaparadang jeep sa tapat ng campus. May katandaan na siya, at batay sa edad nun, tingin ko e bunso niya 'tong kausap ko..
Wala na ako nung maisip na itanong sa bata. Kaya nilabas ko na lang muna yung jacket ko sa bag. Lumalamig na kasi nun. Habang sinusuot ko yun, tinitingnan ko siya. Hindi ko siya nakitang ngumiti nun, siguro dala na rin ng pagod. Nakatingin lang siya sa kalsada, pati sa mga jeep, pati sa mga estudyante. Inosente pa yata ang pag-iisip niya. Grade 1 pa e. Napansin ko rin yung binabali-bali niyang headband. Nag-alala ako baka maputol. Hehe. Suot ko na yung jacket..
Ako: (aktong uupo) ui patabi ha?
Bata: (bahagyang tumabi)
Ako: kagagaling mo lang sa school mo?
Bata: (tango)
Ako: yung elementary dyan?
Bata: (marahang tango)

Naisip ko, kanina ko pa siya kausap. Di ko pa pala alam yung pangalan niya..

Ako: ano nga palang pangalan mo?
Bata: (mahinang mahina) ana joy p-po..
Ako: (lumapit ako sa kanya) ano ulit?
Bata: ara joyce po..
Ako: (ngiti)

Ie-emphasize ko pa sana sa kanya yung 'mag-aral kang mabuti ha?'. Kaso baka makita ako nung tatay. Tsaka parang aambon na yata nun..

Ako: mukhang uulan na a.
Bata: (walang reaksyon)

At yun na nga. Unti-unti nang umaambon. Kasabay nun e yung paglapit ng tatay niya. Pinapasilong na siya sa loob ng campus. Binuhat na rin niya yung bangkito papasok. Natuwa ako nung pinasuot nung tatay sa anak niya yung suot niyang cap.
Ako naman e wala nang nagawa. Uulan na. Umalis nako. Sumakay nako ng jeep..

Minsan out of nowhere na lang bigla siyang pumapasok sa isip ko. Nung binasa ko ulit yung blogpost kong yun two years ago, parang hindi ako makapaniwalang ako yung nagsulat nun. Tsaka nasaan na rin kaya si Ara Joyce ngayon? Siyempre kahit papano pinaantig niya yung damdamin ko. Tsaka dahil sa kanya, napatunayan ko sa sarili ko na lahat pala tayo may kakayahang tumulong sa kapwa kahit sa pinakasimpleng paraan. Na lahat tayo may karapatang maging mabait kahit pa tingin natin sa sarili e masama tayong tao. Basta ba, nakaka-touch lang yung moment na yun (naks!).

Minsan naitatanong ko rin: Nasaan na kaya siya? Kung tatantsahin, nasa Grade III na siya ngayon. Nandun pa rin kaya siya nakatambay sa school gate ng school kasama ang tatay niya pagkatapos sa eskwela? Barker pa rin ba kaya tatay niya dun? Sana nag-aaral pa rin siya. Tsaka sana maayos ang kalagayan ng pamilya niya. Nakakapanghinayang yung mga batang hindi dahil sa hindi nila gusto, kundi dahil sa kalagayan nila. Basta, nakakalungkot lang. Sana ok lang silang lahat.

No comments:

Post a Comment