October 4, 2012

Bugso ng Damdamin #4: It's Not a Perfect World.



'Life is always unfair' nga daw sabi ng ilan. Ewan ba. Kahit pa iwasan mong isipin ang mga negatibong bagay bagay, yun at yun talaga yung lumalabas sa tawas e. Hindi ko talaga ma-explain. Kung sino pa yung matino at magagaling, ayun pa yung dinidispalinghado ng buhay. Anggulo ng pulitika, anggulo ng palabas sa TV, anggulo ng traffic, anggulo ng puso kong may angst (wow!). Basta, yung tipong mabigat yung pakiramdam mo pero hindi mo ma-explain at ma-specify kung ano ba talaga yun. Ewan ko ba. Nakakainis lang minsan..

Naalala ko tuloy yung Meteor Garden moments ko dati 9-10 years ago, nung palabas siya sa Channel 2. Wala lang, tingin ko mas okey pa yung F4 kesa sa mga KPop na hindi mo maarok kung anong nasinghot at napaka-weird ng mga hairstyle at costume. Tsaka lagi na lang pop songs yung nilalabas nila, puro na lang party party. E hindi naman laging ganun ang buhay natin, nakakaranas din naman tayo ng kalungkutan, etc (kaya mas mahal ko ang OPM e, especially mga banda). Saulado pa namin yung mga kanta nila kahit hindi namin masyadong maintindihan, pero tumagos talaga sa puso namin. Basta ganun..



Tsk. Hindi na nga lang magsasalita. Wala din namang mangyayari. Lalo na't papalapit na ang eleksyon next year! Patay kang bata ka. Lulunurin ka ng mga nangangampanyang pulitiko ng mga nagkikinangan at makukulay na panliligaw nila, tapos wala din namang mababago masyado kapag nagkapanalunan na. Dun pa lang bibigat na pakiramdam mo e. Kakanta na lang. Nanamnamin ko na lang yung kanta nang buong puso hanggang sa hilumin niya ang magugulong angst ng puso ko (wow!). Wasak.

October 2, 2012

Ang Salamin. Bow.

Hindi ko inakalang mapapagastos ako ng todo sa pag-aaply ng first job (wow). Andami pa munang dapat iayos sa pisikal na aspeto ko bago maka-go. Isa na 'tong salamin na 'to.

Sabagay. Grade 5 pa lang nang unang nakagamit at nakahawak ng cellphone (Nokia 3210 at 5110, oh the classics! hehe). Tapos First Year High School nang magsimulang makahawak at gumamit ng computer. Mula sa pagka-ignorante at pagkamangha sa Yahoo Messenger, hanggang sa Friendster nung kulay orange pa ang theme, tapos naging blue naman, hanggang sa nag-revamp at nag-reformat nang tuluyan nung May 2011 (andaming masasayang alaala..). Tapos yung since birth na kakanood sa TV ng drama, balita, commercials, etc. Tapos biglang fast forward ngayon -- na Facebook, Blogger, Picasa Web, at Youtube na ang jinu-juggle nang sabay-sabay sa tuwing magrerent sa comshop. Kung susumahin: mga 8 years na sa cellphone, tapos 5-6 years sa computer at since birth (15 years?) sa TV, hindi talaga imposible na lumabo ang mata ko. Nung ipina-check ko yung grado ng mata ko: 200 ang prehong mata. Sobrang labo na daw para sa edad ko. Ang saya diba?




Kaya nga nung nag-apply ako at nagpamedical, nirequire pa akong magsalamin. Nung pinatingin ako sa snellen chart, anlabo grabe! Alam mo yung first letter na malaki tapos yung sa baba niya na dalawang letra? Dun pa lang banda hindi ko na mabasa yung letra. 20/100 yata yung naging diagnosis sa kin, kaya pina-require talaga akong gumamit na ng salamin.

Ganun pala kapag first time mo magsuot ng corrective glasses. Kahit na malinaw nga yung paningin mo, parang nakaka-conscious pa rin. Parang yung pakiramdam ko kapag may suot na relo, bracelet at hikaw: feeling mo may gumagapang na rashes na hindi mo mapigilang tingnan-tingnan. Basta ganun. Tapos medyo nakakahilo kapag nilalakad mo nang suot yun, lalo na kapag yuyuko ka at titingnan mo yung dinadaanan mo. Para kang nalalasing! Tapos hindi mo ma-accurate yung paghakbang mo, mahirap kapag makikitid yung dadaanan mo. Basta ganun. Normal lang naman daw yun sabi ng Optometrist, lalo na sa mga first time pa lang magsasalamin.



So far, mag-iisang buwan na akong nagsasalamin. Pero hindi pa sa lahat ng oras, nakapagpapapagod din kasi ng paningin. Sinusuot ko lang siya sa trabaho (dahil required) tsaka kapag lumalabas ako ng bahay (para iwas hassle, tsaka para madaling magkakitaan ng mga friends hehehe).

Ayun. Masaya lang. :)

September 21, 2012

I Was There: General Luna's Album Tour at SM DasmariƱas.

From left to right: Audrey (guitar), Alex (bass), Nicole (vocals), Bea (drums) and Caren (guitar).
Photos courtesy of General Luna's Facebook Page. Instagramized, hehehe.
September 15 nun. Nasa pang-apat na araw nako ng training ko sa panibago kong trabaho. Tipikal lang naman yung araw na yun: gising, ligo, bihis, lakad, trapik, kayod, byahe, pasok sa mall para malamigan, tapos uwi na. Ni hindi ko nga namalayan na sabado na pala yung araw na yun. Pero kakaiba lang siya sa ibang araw. Pagpasok na pagpasok ko sa loob ng mall, nakita ko na yung kumpol ng tao sa annex center. Isip ko: baka mall tour lang ng solo artist na di ko naman kilala o kaya naman parang sale sale chuba ek ek. Dinaanan ko lang din yun nung una. Tapos nakita ko nga yung nakapaskil sa stage: GENERAL LUNA ALBUM TOUR. Napatigil ako. Ayos 'to ah, sabi ko sa sarili ko. Sa buong talambuhay ko pa naman e ngayon pa lang ako makakakita nang sikat na banda na nagpeperform live, straight to my eyes. Tsaka aware na din ako sa bandang General Luna, narinig ko na sila last two years ago pero hindi ko pa naririnig yung tugtugan nila. So hindi ko na pinalampas yung pagkakataon, tutal naman e maaga pa naman. Buti nga e saktong papasimula pa lang ng show/gig nila.

They're promoting their second album, Different Corners. Last August 2011 pa pala sila huling nagpunta dito kaya excited din sila. Nakakatuwa din pala talagang makinig sa mga gig/concert/shows ng mga banda, kahit yung intro at test drive pa lang nila ng mga instruments nila, nakakaenggayo nang pakinggan. Iba din kasi kapag live performance, ramdam mo yung intensity, yung cheers ng mga audience kahit pa totally unaware ka sa music nila. Grabe, superb. :))


Una nilang kinanta yung version nila ng Asin's Usok. Mala-reggae yung beat sa simula, para mahype ang audience. I think mga 5-6 songs din yung pinerform nila, most of them were from their latest album, Different Corners. Ako mismo e nag-enjoy sa set nila kahit pa di ko masyadong napapakinggan yung mga tugtog nila. Nakakatuwa kasi talaga kapag live, ramdam na ramdam mo yung kanta. Tsaka ang gagaling din nila to the fact na all-female band sila, lalo na yung drummer nilang si Bea: hataw kung hataw. Basta, superb. :))



Lastly, tinugtog nila yung title single ng album nila which is Different Corners. Dabest talaga, sulit na sulit yung tour lalo na sa mga avid followers nila. May mga 'inbox' nga din yung mga audience nun e, inaarbor yung drumstick ng drummer nila hehe. Pagkatapos nun e nagpa-autograph sign naman sila sa mga bumili ng album nila at nagpa-picture. Saya sobra.

Pagkatapos naman e tumuloy na sa sakayan pauwi -- na sobrang haba ng pila! Simula sa dulo ng terminal tapos halos umikot na sa perimeter ng terminal yung haba ng pila. Wasakan talaga sa paghintay. 6:45 banda nagsimulang pumila, alomst 9:00 pm na nakaalis sa mall. Sabado nga din naman kasi, maraming tao. Pero masaya pa rin talaga, sulit naman yung paghihintay. Bale sila yung kaunaunahang banda na nakita kong mag-perform live. Sarap. :)

Photos are from General Luna's Facebook Page. Instagramized, hehehe.
Like their page: http://www.facebook.com/GeneralLuna.

September 19, 2012

Post-Happy Birthday Speech.

Reminder: This piece was written last September 11, 2012.


Hindi ko pala naikwento sa journal ko last year kung paano ko nai-celebrate yung birthday ko. Super busy din kasi ako nun sa trabaho ko kaya hindi ko masyadong na-update posts ko nung buwang yun. Basta ba araw-araw kasi akong pagod, bloated at stressed nun. Buti na nga lang e wala na ako dun.

Pano ko nga ba na-celebrate yun? Wala nga pala akong trabaho nun kasi pina-day off pala nila ako sa work, regalo daw nila sa 'kin. Dumaan nga lang pala ako dun kinahapunan para magpa-blowout ng pancit at coke. Tapos gumala din ako nun sa Robinson's tsaka nagpa-print ng t-shirt (regalo sa sarili). Tapos nagkita kami ng mga close friends ko at kumain kami sa Divimall. Tapos gabi na umuwi. Pagdating sa bahay, spaghetti ba yung handa nun o pancit? Halo-halo na mga events sa utak ko, last year pa nga kasi nangyari e. Hindi ko na maarok kung alin nga ba ang tama. Memory gap, hehe.


Siyempre, sino ba naman sa atin ang hindi nag-expect ng kahit ano habang papalapit ang birthday niya? Kahit pa sabihin natin verbally na "HINDI AKO MAG-EEXPECT," nandoon pa rin sa kadulu-duluhan ng isip natin yung pag-expect at paghiling ng mga gustong mangyari sa pagsapit ng birthday niya. Automatic na yun e, programmed na sa utak natin once na lumalapit ang kaarawan natin. Parang ngayon lang, eksaktong isang linggo na lang birthday ko na. Nung elementary at highschool, halos walang nakakaalam kung kelan ako magbe-birthday. Nalalaman na lang nila (nagugulat pa nga minsan) kapag ina-announce na lang yun ng adviser namin dahil nasa record nya birthdays ng buong klase. Tsaka hindi rin ako ganun kakumportable kapag may bumabati sa 'kin ng "HAPPY BIRTHDAY!" dahil perception ko lagi noon e nakikipagplastikan lang sila. Awkward, parang pilit lang at hindi sincere. Mas hardcore pa nga dati: once na malaman ng klase na birthday mo, sabay-sabay ka nilang kakantahan bigla ng "HAPPY BIRTHDAY" sa gitna ng klase (minsan may "MALIGAYANG BATI" pa nga e, para maubos yung oras. hehe). At dahil alam na nga nila, humanda-handa ka na sa uwian dahil babasagan ka nila ng itlog! (minsan may harina pang kasama!) Grabe High School Grabe! Nabasagan nga ako ng itlog nung 4th year e. Sarap. Buti na lang may mahuhugasan at hindi dumamay sa damit ko.

Minsan-minsan naiisip mo rin: Ano kayang mangyayari sa birthday ko? May babati kaya sa text? May makakaalala kaya? May magreregalo kaya? Panigurado namang may babati sa Facebook dahil mano-notify naman lahat ng friends mo kapag birthday mo, so hindi mo rin sure kung nakaalala ba talaga o 'napaalalahanan' lang. Tsaka para sa 'kin hindi masyadong 'touchy' ang bati kapag sa FB lang, yung tipong "hbd" lang yung pinost sa wall mo (wala man lang kahit period! parang napadaan lang talaga). Wasak na wasak lang. Ni sa talambuhay ko nga, wala pang nag-'bonggang surprise' sa birthday ko. Yung para bang: surprise sayo ng mga friends, biglang sumulat/nagregalo sayo si Lavander-siamese, yung mga hindi-magarbo-pero-nilagyan-ng-effort na mga regalo, etc. Alam mo yun? Yung hindi mo naman talaga ie-expect pero mas matutuwa ka sana kung mangyayari ytng mga yun? Ganun baga...

Tsaka wrong timing nga rin pala kasi. Isang buwan ko nang nilalakad yung pag-aapply ng trabaho, stucked-up pa rin ako sa medical. Dami pa kasing kailangang ayusin sa akin para ma-fit to work na. Medyo recession din sa bahay, so wala rin (at hindi rin naman) akong dapat asahan. Wala din tuloy akong pang-blowout kahit pansarili na lang. Tutal sanay na rin naman akong wala lagi, edi keribells na lang.

* * * * * * * * * *



Pero kung may magtatanong sa 'kin kung ano bang gusto kong mangyari sa birthday ko, gusto ko sanang maramdaman yung kahalagahan ko sa mga kaibigan ko. Kumbaga maramdaman ko rin na mahalaga ako sa tropa, gaya ng pagpapahalagang pinapakita ko sa kanila (drama).

O kung hindi man, kahit batiin na lang ako ni Lavander-siamese sa hindi malilimutang paraan. Regaluhan niya ako, sulatan niya ako. Kahit ano, magca-cartwheel na ang puso ko nang bonggang-bongga galing sa kanya.

Pero higit anupaman sa mga sinulat ko dito, ipapaubaya ko na lang kay Lord yung mga mangyayari sa kaarawan ko. Kung pagbigyan man Nya o hindi ang mga hiling ko, ayos lang sa 'kin. Dahil higit Niyang alam kung ano ang mas makabubuti sa 'kin, at maluwag sa loob kong tatanggapin yun. Kahit kelan naman hindi Niya ako pinabayaan e. Basta huwag lang Niya kami -- ng pamilya at kaibigan ko -- ilapit sa kapahamakan, solve na lahat. =)

Basta hindi na lang talaga ako masyadong mag-eexpect ng kahit ano. Hihihi.



September 12, 2012

Nasaan na Kaya si Ara Joyce?

Nakilala ko si Ara Joyce two years ago sa pinasukan kong college (na hindi ko itinagal) two years ago na din. Sa gate ng school nun una kaming nagkita. Ni hindi ko nga alam kung naalala kaya ako nun? Baka nga dalawang araw palang pagkatapos nung pangyayaring yun, hindi na niya naalala yun. Yung araw na una kaming nagkita.. (naks!)

Actually nagawan ko siya ng blogpost sa luma kong blog site na Kalamayin ang Iyong Sarili (Poorman's View) lampas two years ago na. Ewan ba, nakakaantig lang kasi. Nakakapangmuni-muni ng buhay. I-post ko na nga lang din para maintindihan nyo baga:


Pinangiti Ako ni Ara Joyce. :) 
09012010
Tapos na yung klase nun. Pauwi nako. Tinatamad na kasi akong libutin yung campus. Tsaka parang uulan na. Tapos ayun na nga, nakalabas nako ng gate. Nakasanayan ko na noon na maglalakad-lakad muna ako palayo sa school bago sumakay para dirediretso yung byahe. Kaso may pumigil sakin..
Nakita ko muna nun yung bag niyang nakasalansan. Nagtaka ako, akala ko nung una e baka laruan lang ng mga palaboy-laboy dun. Nung lumingon ako, may nakita akong batang naka-uniform. Babae. Elementary. Nakaupo siya sa bangkito. Nagtaka ako kung bakit may bata dito. Nakita ko uli yung bag. Tapos lumingon uli ako sa bata.

Ako: bag mo? (tinuro ko yung bag)
Bata: (marahang tango)
Ako: e bakit nandito? (kinuha ko yung bag) dapat dito mo yan nilalagay (tinabi ko sa bangkito)
(katahimikan)
Sa isip ko, nahihiya pa ako nung kausapin yung bata. Nasa tabi kasi siya ng gate. Ang daming lumalabas na estudyante. Tapos may mga manong pa dun. Baka pag-isipan ako ng kung ano. Kaso di ko mapigilan. Tumiyempo ako..
Ako: bakit ka nandito? sinong kasama mo?
Bata: (bahagyang tumuro sa loob ng gate)
Habang naghahanap ako ng tiyempo, tinitingnan ko yung bata. Ewan ko lang pero pag nakita mo siya, mahahalata mo talagang kagagaling lang ng school, haggard baga. Pero nakakatuwa siya. Tahimik lang siya, habang binabali-bali yung hawak niyang headband..
Ako: ano'ng grade mo na ba?
Bata: (mahina) grade 1 po.
(katahimikan ulit)
Ako: marunong ka na bang magbilang? magsulat?
Bata: (mahina pa rin) opo
Ako: ahh. (ngiti) mag-aral kang mabuti ha?
Bata: (mahina, as usual) opo.
Ako: para maging katulad ka namin. (ngiti uli)
Bata: (walang reaksyon pero nakatingin sa akin)

Napangiti uli ako, kahit wala siyang sinabi. Di ko alam pero parang ginanahan pa akong kausapin yung bata. Hindi ko nun na-gets kung sino nga ba yung kasama niya talaga. Nakakapagtataka kasi. Tinanong ko ulit..

Ako: (lumapit ako sa mukha niya para marinig ako) sino nga ba ulit yung kasama mo dito?
Bata: (wala siyang sinabi, pero tinuro niya yung manong sa di kalayuan)

Naintindihan ko na nun. Siguro tatay niya yata yung manong na nagba-barker sa mga pumaparadang jeep sa tapat ng campus. May katandaan na siya, at batay sa edad nun, tingin ko e bunso niya 'tong kausap ko..
Wala na ako nung maisip na itanong sa bata. Kaya nilabas ko na lang muna yung jacket ko sa bag. Lumalamig na kasi nun. Habang sinusuot ko yun, tinitingnan ko siya. Hindi ko siya nakitang ngumiti nun, siguro dala na rin ng pagod. Nakatingin lang siya sa kalsada, pati sa mga jeep, pati sa mga estudyante. Inosente pa yata ang pag-iisip niya. Grade 1 pa e. Napansin ko rin yung binabali-bali niyang headband. Nag-alala ako baka maputol. Hehe. Suot ko na yung jacket..
Ako: (aktong uupo) ui patabi ha?
Bata: (bahagyang tumabi)
Ako: kagagaling mo lang sa school mo?
Bata: (tango)
Ako: yung elementary dyan?
Bata: (marahang tango)

Naisip ko, kanina ko pa siya kausap. Di ko pa pala alam yung pangalan niya..

Ako: ano nga palang pangalan mo?
Bata: (mahinang mahina) ana joy p-po..
Ako: (lumapit ako sa kanya) ano ulit?
Bata: ara joyce po..
Ako: (ngiti)

Ie-emphasize ko pa sana sa kanya yung 'mag-aral kang mabuti ha?'. Kaso baka makita ako nung tatay. Tsaka parang aambon na yata nun..

Ako: mukhang uulan na a.
Bata: (walang reaksyon)

At yun na nga. Unti-unti nang umaambon. Kasabay nun e yung paglapit ng tatay niya. Pinapasilong na siya sa loob ng campus. Binuhat na rin niya yung bangkito papasok. Natuwa ako nung pinasuot nung tatay sa anak niya yung suot niyang cap.
Ako naman e wala nang nagawa. Uulan na. Umalis nako. Sumakay nako ng jeep..

Minsan out of nowhere na lang bigla siyang pumapasok sa isip ko. Nung binasa ko ulit yung blogpost kong yun two years ago, parang hindi ako makapaniwalang ako yung nagsulat nun. Tsaka nasaan na rin kaya si Ara Joyce ngayon? Siyempre kahit papano pinaantig niya yung damdamin ko. Tsaka dahil sa kanya, napatunayan ko sa sarili ko na lahat pala tayo may kakayahang tumulong sa kapwa kahit sa pinakasimpleng paraan. Na lahat tayo may karapatang maging mabait kahit pa tingin natin sa sarili e masama tayong tao. Basta ba, nakaka-touch lang yung moment na yun (naks!).

Minsan naitatanong ko rin: Nasaan na kaya siya? Kung tatantsahin, nasa Grade III na siya ngayon. Nandun pa rin kaya siya nakatambay sa school gate ng school kasama ang tatay niya pagkatapos sa eskwela? Barker pa rin ba kaya tatay niya dun? Sana nag-aaral pa rin siya. Tsaka sana maayos ang kalagayan ng pamilya niya. Nakakapanghinayang yung mga batang hindi dahil sa hindi nila gusto, kundi dahil sa kalagayan nila. Basta, nakakalungkot lang. Sana ok lang silang lahat.